24 October, 2010

Unfollowed.

tignan mo nga naman ang pagkakataon. parang kailan lang nung huli ko siyang makita. naalala ko pa ang damit na suot nya. kung paano siya yumuko at tumalikod at humakbang papalayo. hindi ko man nakitang mabuti ang mukha niya, narinig ko naman ang malakas na sigaw ng damdamin niya.

sa bawat minutong lumilipas mula ng tagpong iyon, wala na akong hiniling kundi ang makita siyang muli. makausap. marinig ang tinig. at alam ko na sa bawat hiling na aking sinasambit, patuloy ang paglayo ng katotohanang mangyayari ang aking minimithi.

maraming luha ang naganap na dumaloy. mga salitang masasakit at minsan ay tagos sa dibdib. maraming araw ang parang hindi kumpleto at gabing walang haplos ng liwanag mula sa buwan na marikit. malungkot ang buhay na dumaan at walang tigil ang pintig ng pusong parang pinatay dahil sa bugbog ng kalooban.

mahal ko parin siya. INAAMIN ko na hanggang sa mga oras na ito, habang isinusulat ko sa buong mundo ang nararamdaman ko, siya parin ang nilalaman ng puso ko.

pero hindi yata ako handa na makita syang muli.

dahil sa pagkakataong ito, sa bawat hakbang niya palapit sa kinalulugaran ko, pilit ko iniiwasan ang kanyang sulyap na maaring dumapo sa kinatatayuan ko.

wala akong magawa kundi ang mahilam sa luha mula sa aking mga mata. akala ko ay kaya ko ng harapin ang isang taong may malaking dahilan kung bakit ang pag-ibig ay totoo at hindi para saakin.

lumayo siya ng hindi ako napapansin. kagaya ng damdamin ko na sakanya'y walang silbi.

mabigat sa paa, ngunit kailangan kunin ang hakbang patungo sa tamang daan. sana ganoon lang kadali ang kalimutan siya. dahil kung ganoon, tatakbuhin ko itong nakapikit at hindi ako titigil pa.
myk2ts r2r.png

19 October, 2010

Juan Ang Pangalan Ng Bagyo

nagising ako kagabi at napapalatak dahil sa mga nangaganap na pagtulo ng maliliit na butil ng tubig ulan at may kahalong alikabok mula sa aking kisame. actually sa bubong muna bago sa kisame. naknamputcha, tumutulo ang bubong. este may tagas ata. ewan. nakakainis kasi sanay lang ako sa talsik ng laway ni Efren (boss ko) at nagulat ako sa malamig na tubig na dumadampi sa aking pisngi.

sa lahat ng ayoko ay yung naiistorbo ang tulog ko. para saakin, napaka banal ng pagtulog ng isang tao. ang tanging inirerespeto ko lang kapag ginigising ako ay ang alarm clock at ang nanay ko. alarm clock dahil ito rin ang telepono ko at syempre nanay ko yun' dapat talagang irespeto :)

ngunit ano nga ba ang magagawa ko kung nagising ako ng patak ng ulan sa gabing madilim? may bagyo alam ko ito, at nananalanta ito sa sangkapuluan ng luzon. so kesa sampalin ko bawat patak ng tubig ulan at sigawan ang hangin, nag isip na lang ako ng mabuti.

eleksyon, bills, baranggay captain, RH Bill, Glee, Dreamgirls...

aha, panaginip...

dahan dahan akong pumasok sa Nike store sa High Street. wag kang mag alala at hindi ko rin alam kung bakit sa Nike store at kung bakit sa FBHS ang lokasyon. hindi ko rin alam kung bakit walang background music. siguro dahil nga sa ayaw na maging kumplikado ng panaginip ko para sa iyo.

hinanap ko raw si Jean sa manager, sabi nung manager na babae sa panaginip ko, wala daw, naka leave, then i asked His name, asa isang rack daw, may inaayos, kaya naman nag lakad ako papunta sa rack, nakita ko Siya, alam kong nakita nya rin ako pero patay-malisya sya, panakaw sya sumisilip kung nakaalis na ba ako o kung tinititigan ko parin ba Siya. aba, kahit pala sa panaginip ay iniiwasan ako ni Loko. okay sige, eexit na ko.

pero naisip ko, pati ba naman sa panaginip ko ako ang talo?

pati ba sa mundo na ako ang may control e wala akong magawa?

hindi ata pwedeng ganun...

bumalik ako, at tumalikod, alam ko na tumayo na rin sya at patungo sa direksyon ko, hindi para batiin o habulin ako pero para lalong magtago. pero sorry dahil mas maagap ako. sinalubong ko ang kanyang tingin. tingin na alangan at napipilitang ngumiti. tinignan ko siya sa mata, nginitian ko siya at alam ko na kahit sa panaginip ay nakuha nya ang gusto kong iparating...

hanggang sa tumulo ang tubig ulan saaking pisngi na mula sa kisame.

tumulo rin ang luha sa pisnging tinuluan ng tubig ulan mula sa kisame.

naglandas ang luha at nagsanib ang damdamin.

bumangon na ako at pinilit kumilos.

alam ko na kasabay ng paglisan ng Bagyo ay siyang pag alis ng kapangalan niya sa buhay ko.
myk2ts r2r.png

 
blog template by suckmylolly.com : header hand photo by Aaron Murphy