mahabang bakasyon ang naibigay saakin nitong nakaraang linggo at masasabi kong sulit ang mga oras na inilagi ko sa bahay.
natuto ako mag gupit ng tatlong litrato ng mga hayop na nagsisimula sa letter C, K, at O.
nakulayan ko rin ang mga malalaking letra ng pula at dilaw naman sa maliliit na titik.
nakakatuwa. naranasan ko magpaligo ng batang makulit ng alas otso ng umaga. alas diyes kasi ang simula ng klase niya. at kahit na malapit lang ang kanyang eskuwelahan, me pagkamaarte ang reyna. gusto ng payong at dapat daw ay tatlo ang ipit niya.
may pinagmanahan.
naalala ko tuloy nung kabataan ko. si mama ang lahat ng nagaasikaso sa mga gamit ko. pagkagising ko sa umaga, nakahanda na sa lamesa ang pagkain at ang mga damit pamasok. makintab na makintab ang aking sapatos na itim. bawal ang putik. puting puti ang polo ko. dapat pag uwi ay walang bahid dungis. kung hindi, bawat dumi ay may katumbas na palo. minsan naman ay kurot lang.
pero ang mga umagang paggising para sa pagpasok ang pinaka masarap na umaga sa buong kabataan ko. sa pag upo ko sa lamesa, sa harap ng tasa, muli akong nabubulid sa malalim na pag-idlip. at sa muling pagbabalik ng aking diwa sa liwanag ng mga pangarap, duon ko malayang nabubuo ang mga gusto kong gawin, mga lugar na gusto ko puntahan, mga taong nais kong makilala at mahalin. makausap ang mga importanteng indibidwal na makakapagturo saakin ng mga bagay na dapat ko malaman.
mapuputol yuon ng tapik mula sa aking nanay. dadating na daw yung schoolbus.
masuwerte ako kung iisipin. sa mga oras na iyon, alam kong maraming bata na kasing edad ko ang hindi pareho ng sitwasyon ko. may mas masuwerte saakin dahil bacon ang baon nila at may dala silang pencilcase na pwedeng gawing piano. minsan pa nga ay pwedeng gamitin para mandaya sa pag-recite ng multiplication table.
pero mas marami ang hindi manlang nakakatungtong sa silid-aralan. marami ang hindi marunong bumasa at sumulat. at sa murang edad ay nagbabanat na ng buto hindi para pambili ng cotton candy sa tapat ng eskuwelahan, kundi para pambili ng makakain ng buon pamilya.
mga batang sa murang katawan ay batak sa trabaho, hindi sa pag lalaro at pag aaral ng leksyon.
at habang lumilipas ang panahon, lalong dumarami ang mga batang hindi matututo.
isang mahinang sigaw para sa mga pinuno ng ating henerasyon