Simula na ng kanta. Naririnig ko na yung umpisa. Yung intro. Ayoko sana kaso pinakikiramdaman ko yung sarili ko. Malay ko ba, kung gusto talaga makinig ng tenga ko. Baka may maalala yung isip ko. Baka may maisip yung puso ko. Nasa bulsa ko yung iPod. Dun ko madalas ilagay yung gadget kong yun kasi hindi ako nakakatapos ng kanta. Daig ko pa yung mga radio dj’s kasi minsan, kapag narinig ko na yung intro, okay na ko. Kumbaga sa kasabihan, ningas kugon. Kung may pagkakahawig, hindi ko alam.
Narinig ko yung tipa. Yung unang linya. Yung buong kanta.
Naalala ko nung mga panahong, linya lang ng telepono ang pagitan namin.
Kinakanta nya palagi ito saakin. Minsan, hindi ko pa man sinasabi, bigla na lang nya kakantahin. Paborito ko raw kasi. Ganun daw ako kalakas sa kanya. At kung may boses lang ako kagaya ng kanya o ng umawit ng kantang ito, malamang, sa bawat munitong kausap ko siya, kakantahin ko tong kantang ito.
OA syempre. Exaggerated ako masyado sa huli kong sinabi. Malamang mainip at mabuwisit o di kaya mapaos lang ako kung ganun lang ang gagawin ko sa maghapon na kausap ko siya.
May mga bagay kaming pinag uusapan, madalas ay kung saan nagsimula at paano magtatapos ang kanyang araw. Kung ano ang kinain nya, kung anong oras siya nagising at kung sino ang ikalimang taong kinausap nya sa buong araw.
Parang isang prof na nagbibigay ng free answer sa finals. Ako yung estudyanteng akala mo ay nababasa ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig. Attentive.
Wala akong pakialam kung ano pa man ang nangyari saakin, kung meron akong ibang dapat gawin, kung sunog na ba ang aking sinaing. Wala, lahat yun ay baliwala.
Kahit si kitty ay di ko na rin napapansin.
May mga gabing kahit mas pinipili ng mata ko matulog, pinakikiusapan ko siyang ipagpaliban ang planong matulog. Mas gusto ko makipag usap sa kanya. Mas gusto ko marinig ang boses nya. Mas gusto ko pakinggan yung kuwento nya kung bakit ayaw nya na nakatayo sa bus sa umaga.
Pinaikot ko ang mundo ko sa kanya. Hindi nya hiningi, pero kusa ko nalang ginawa. Naalala ko, na turo saakin ng nanay ko na magkusa. Yung tipong gagawin ko na dapat yung mga bagay ng hindi na kailangan sabihin pa.
Hindi ko gusto na hindi ako nakatutok sa kanya. Hindi kumpleto ang araw ko pag hindi siya ang inuna ko.
Pagmamahal? Hindi siguro. Hindi ko alam pero wala pa atang salita na naiimbento para ihalintulad ko yung nararamdaman ko para sa kanya.
Nakakapagod? Hindi. Nakangiti kong niyayakap ang hingal ng lahat ng saloobin ng aking puso. Ng aking kabuuan. Ng aking pagkatao.
Masama? Siguro. Kasi miserable ako ng malaman ko na wala naman pala akong halaga sa taong tinuring kong hangin at tubig ng buhay ko.
Wala sa isip nya lahat ng bagay na para saakin ay kulang na lang ay itatak ko sa aking puso.
Kaya ngayon, habang pinakikinggan ko ang kantang ito, naawa ako sa sarili ko.




0 Pakelamera:
Post a Comment